Ifoundme’s Weblog

my own world… my own words…

kwento ng tatay (story of my father)

Posted by ifoundme on May 15, 2008

warning: this is very long. this is the story of my father because tomorrow is his birthday. if you are not filipino and you still want to read this, just let me know. i’ll gladly translate it for you. but then again, this is very long. you might get tired reading this.

Habang nagmamasid ako sa gwapong barista sa coffeeshop na to sa kakahintay ng tamang oras para sa pagpunta ko dun sa sideline ko eh minabuti ko na lang kunin tong notebook ko at magsulat. Bakit Tagalog? Kasi sa buong buhay ko minsan lang nagrequest ang tatay ko sakin (lahat kasi puro utos) at yun ay mag-asawa ako ng Pinoy at huwag foreigner para di maubos daw ang kakaunti nyang gumaganang braincells sa kakaisip kung pano kausapin ang magiging son-in-law nya at mga apo (kung magkaron man). Kaya dahil birthday niya bukas, tagalog akong magsusulat. Baka sakaling matuto syang mag-on ng computer at matyempuhang mapadpad sa blog ko na to, eh at least di dumugo ilong nya sa kakaintindi ng sinulat ko dito para sa kanya.

Ang aking tatay ay bunso sa 4 na lalakeng magkakapatid. At dahil bunso, lahat ng kamalasan sa kanya napunta. Sabi kasi ng pinsan nya na si lola mommy, mayaman daw sila dati. Merong sinehan, distribution ng alak at sigarilyo, manggahan, tubuhan at gas station… walang alam ang lola namin nun kungdi magnegosyo at magluto. Ang lolo naman nawili sa pagkaintsik nya at lahat na lang ng pwedeng pagkakitaan eh pinapasukan. Yung hindi nya lang siguro napagkakitaan eh yung pagpasok nya sa mason at pag-inum.

Ang ancestral house naming ay sobrang strategic. Pano ko nasabi to? Lahat kasi ng barkada ng magkapatid eh wala ng ginawa kungdi tumambay dun. Accessible na, marami pang mainum at makain. Kanya kanyang barkada ang hatakan nun pero magkakilanlan naman lahat. Ang pintuan sa baba eh bukas yan, hindi nakakandado. Enter at your own risk nga daw eh sabi nila. Kung ayaw mong mapatay kaagad, hwag kang pumasok dyan. Maliban sa alak kasi baril ang sunod na hilig nila. Ang mesa naman sa dining room ay hindi nawawalan ng pagkain dahil lahat sila ay walang tamang oras sa pagkain. Kung sino man gugutumin, punta ka lang sa dining room at may malalamon ka dun. Kung bakit wala sa tamang oras ang pagkain nila, yun pa rin ay dahil wala rin sa oras ang pagkalasing nilang lahat.

Honga pala. Magkapitbahay sila ni former senator franklin drilon. Isang favorit past time daw ng lahat ng barkada nila ay paulanan ng bato ang bahay ng kawawang senador. Nung minsan nga daw hindi nila napansin na andun pala sa bintana ang nanay ni mamang franklin. Tinawag raw ang isa nilang kabarkada at sinabihan na malapit na raw mapuno ang drum ng batong tinatapon nila. Hindi po ako proud sa ginawa nila dati pero ano magagawa ko? Past is past.

At dahil sa kahiligang pagbabarkada, pag-inum at paggatecrash ng kung kani-kaninong party kasama na rin ng paglustay ng pera na parang walang bukas, bumagsak ang mga negosyo. Pano hindi babagsak ang negosyo eh kanya kanyang nakawan sila ng sigarilyo at kuha ng pera sa kahera ng estasyon at sinehan? Talagang babagsak yun. At dahil batang bata pa ang aking ama, sya ang pinakaapektado sa lahat. Nag aral nga sya sa mabuting school pero hindi rin nakatapos dahil sobrang tigas ng ulo. Marunong na rin kasi lumaban sa lolo at lola namin. Di ko rin sya masisisi. Siguro gusto nya lang ipaalam sa mga magulang nya na dehado sya. Hindi man lang sya lubusan nakapag-enjoy ikumpara sa mga nakakatanda nyang kapatid.

Hindi ko naitanong kay lola mommy kung pano sya naitapon dito sa negros. Tumira nga raw sya kay lola mommy kaya parang kulang na lang ibagsak ng lola mommy ang langit sa pagdepensa sa kanya sa lahat ng nangyayari sa buhay nya. Tumayong parang nanay nya si lola mommy at dahil dyan, ilang beses napapatawag sa school si lola mommy dahil kung hindi nasuntok ng tatay ang classmate nya, nabaril naman nya. In fairness, nakausap ko dati ang principal nya at sinabing hindi naman daw yun kasalanan ng tatay. Hindi ko alam kung anong pambobola ang ginawa ng tatay dun at talagang tuwang tuwa yung principal na yan pag nagkikita sila kahit pareho na silang matanda. Sa totoo lang, hindi naman marunong mambola yan eh. Hindi nga marunong magjoke, mambola pa.

dahil sa lahat ng kalokohan nya, hindi nga nakapagtapos mag-aral. Di raw nya “thing” yun. At dahil mahilig din sa baril, ayun, nasabak sa Philippine constabulary. sa totoo lang, hindi ko maintindihan kung anong ginawa nun at nakapasok. Parang di ko ba makonek dahil ang arte arte sa lahat ng bagay nyan. Pero sabi nga hilig, hayun. Wala silang ginawa ng kanyang opisyal kungdi maghanap ng mga rebelde, dakpin at ikulong. Kung hindi naman mga rebelde ang mga nakakasagupa nila, puro naman rescue operation ng mga nakikidnap ang inatupag. Wala lang. trip lang nila. War freak nga raw eh. Ni minsan hindi ko nakita yan na natakot. Parang hindi nya alam kung ano ang ibig sabihin nun. Kaya nga sobrang napaisip ako dun sa sinabi ni king Arthur kay lancelot sa movie na first knight kasi nung narinig ko yun, unang pumasok sa utak ko ang tatay. Gusto ko rin sya tanungin dyan pero kahit close kami eh hindi naman kami ganun ka open sa isa’t isa. Ganun eh. Parang training ba nya samin eh kelangan may distancia para magkaron ng reservation sa sarili at maging independent.

Ng dahil sa rescue operations na ginagawa nila, nagkakilala sila ng nanay ko. Hindi po ang nanay yang nirescue nila kungdi yung anak ng landlord niya nung nag aaral pa ang nanay ng college. At dahil naging successful nga ng pagrescue dun sa anak, naging mabuting magkaibigan sila ni landlord. Parang nagturingang magkapatid. Nagkatuluyan ang nanay at tatay dahil sa pagtulay na rin ni landlord. In other words, nauto ang nanay. Nagpakasal ang dalawa na walang budget sa kasal. Ganun karisk taker ang tatay. Walang pambayad ng kasal pero nakapagpakasal ng bongga. Kaya hindi ko rin masisi ang lola C (nanay ng nanay) kung bakit talak sya ng talak nung araw ng kasal mismo ng nanay at tatay. Ikaw ba? Gustuhin mo bang ikasal ang anak mong babae sa taong hindi nga maiayos ang buhay ng matino? Ano ipapakain nya sa nanay? Bala at baril? Pero hindi… tuloy pa rin ang kasal at ang ligaya.

Nabuo ako. Yan lang ang naiba sa mundo nila pero tuloy pa rin ang pagpunta nya ng bundok habang naiiwang buntis ang nanay sa kwartong walang pintuan at butas butas na bubungan. Tuwing uuwi sya, wala syang madadatnang asawa kasi sinusundo ng lolo S (tatay ng nanay) tuwing nadadatnan ng lolo S ang nanay na mag-isa at medyo nahihirapan sa sitwasyon kahit ayaw nyang aminin. Ito naman ang tatay. Susunduin ang nanay kaagad. Syempre, miss ang asawa eh.

Nanganak lang ang nanay wala pa ring budget para sakin. Hindi nakapaghanda. Isang kahig, isang tuka ang drama nila. Pero hindi pa rin pumigil yan para paganahin na naman ni tatay ang powers nya sa paghanap ng solusyon. Sinangla nila ang sising na binigay ng lola C sa nanay at yun ang ginawang capital pati ang perang 35 centavos. Buti naman at medyo pinalad. Tuloy tuloy ang negosyo hanggang ngayon. Yan ang nagpalamon samin ng kapatid ko.

Sabi ko nga hindi sya mahilig magjoke. Nakagisnan ko syang parating nakasimangot na parang galit sya sa mundo at vice versa. Ulam ko na rin minsan ang mura. Eh ganun sya eh… nasanay rin naman ako. Hindi sya palangiti at lalong matakot ka pag nagsimula na sya magsalita. Ika nga nila, his voice is the authority. Pagnagsalita sya, taub lahat… takot lahat. Pag gusto nyang magrelax, ilalabas ang plakang BEST OF PINOY FOLK at paulit ulit ng kakanta si Freddie aguilar, asin, coritha at florante sabay hawak ng mahigpit sa katawang ni san Miguel (pale pilsen). Tranquilizer nya si san Miguel kaya hayaan niyo na sya.

Isang bagay din ang hindi ko nakita sa tatay nuon. Ang umiyak. Ah, meron pala. Minsan lang. yun ay nung namatay ang lolo. Sa simbahan lang tumulo luha nya. Before at pagkatapos nyan at hanggang ngayon, di ko nakitang lumuha yan. Ganun sya katigas.

Anyway, patuloy ang paghihirap nila habang lumalaki ako at nung panahon na kelangan ko na pumasok ng nursery, nagdecide na naman sya ulit na ipasok ako sa pinakamagandang nursery school… na wala pa ring pambayad. Grumaduate naman ako dun. Napaisip na naman sya kung saan ako mag aaral ng prep at elementary. Naisip nya dun sa isang intsik na katolikong school na maganda raw ang training. Medyo mahal ulit pero sige pa rin sya. Pinapasok na naman nya ako na wala pa ring budget para dyan. Magic siguro ginawa nya kasi umabot ako ng high school dun.

Pero sa gitna ng buhay ko, marami pang ulit syang decision na ginawa na medyo na apektahan ang buhay namin. Simple lang naman. Naisip nyang sumali ng coup de etat gawa na rin ng paghikayat ng kanyang opisyal. Hindi ko man nuon naintindihan kung ano ang ibig sabihin ng coup de etat, kusang nagpresenta ang mga pangyayari para lubusan kong makita at maranasan ang epekto nito. Nagtago sya dahil napag initan pero wala namang ebidensya ang gobyerno na sumama nga sya nuon. Yun nga lang nahirapan din sya. Syempre, may order na shoot to kill para sa kanya eh. Kami naman dito sa bahay hindi na tinantanan ng tarantadong caller na walang ginawa kungdi magsabi na papatayin nya kaming lahat. Kaya lumilipad ang isip nya pag di nya kaming kasama. Caring din pala sya. Buti na lang natapos na yung phase nya na yan at nareinstate sya ulit. Kung pano nangyaring nareinstate sya, yan ay dahil minsan naging regional commander ang kanyang ninong dati sa kasal at talagang pinahanap sya, tinulungan at pinangaralan. Natuto sya naman sya at hindi na raw uulit. Yun nga lang sa kanyang proseso sa pagbalik serbisyo, may humarang na naman. May nagpadala sa crame ng isang poison letter na ang laman raw ay isa syang drug pusher at kidnapper. Putakte! Siguro drug pusher, oo. Kidnapper? Malabo yun. Ayan nagtaasan na ang kilay kasi nagrereact dun sa drug pusher. Drug pusher kasi ang negosyo namin ay nagbebenta ng gamot… yung hindi illegal.

Buti na lang nalampasan yun. Sa sobrang pagod ng nanay nag-isip syang magbakasyon sa America. Naiwan kami sa pangangalaga ng tatay. First time kaming naiwan ng kapatid ko sa tatay at dahil hindi nya alam kung ano gagawin samin, kada sabado groceries kami at kuha ka lang ng kahit ano na gusto mo. Kung gusto kong kumain sa labas, naoobliga sya. Nagtake advantage din naman kami nun ng kapatid ko.

Gaya ng sabi ko, maarte sya. Nung tumigil sya magyosi, naisipan nyang mag ipon at bumili ng ninja type na motor. Nakiuso kasi sya kay vanilla ice nun. Nagpakasawa sya sa pagdala at pag-ikot sa kung saan man naisip nyang puntahan. Dumating din ang puntong nagsawa sya. Nag-isip ng iba pang pastime at ag-organize na lang sila ng mga kaibigan nya at mga ibang relatives naming ng gun club. Kada weekend puro putok ng baril ang naririnig naming magkapatid. Again, nagsawa sya. Sobrang mahal ng bala eh. Naibaling na naman nya ang attention nya at yun ay gawing zoo ang bahay namin.. nangolekta ng mga kung anu-anong hayop… may rabbit, love birds, myna, aso, pusa, wild cat, sari saring isda at minsan pumasok din sa utak nya kumuha ng ahas pero lahat kami nagkaron ng violent reaction. Ngee… ahas yun no. ayan… nagsawa ulit kaya marami pang iba’t ibang naisip na gawin yun.

Grumaduate ako ng high school at nagpadesisyunan kong mag-aral sa manila. Ayaw nya kasi malayo at hindi raw maganda ang manila para sa mga babaeng katulad ko. Dahil sa nagmana ako sa kanya sa katigasan ng ulo, IT’S NON-NEGOTIABLE ang sagot ko. Habang nag aaral ako dun, lahat na lang ng kahit anong excuses binigay nya sa nanay para pumunta sya ng manila at least once a month. Syempre tuwang tuwa naman ako kasi kada punta nya dun may extra akong 1,000 pesos sa allowance ko. Hanggang paggraduate ko ulit at nakapagtrabaho sa ortigas, ganun pa rin ang gawain nya. Dito ko na naintindihan ang tatay at na appreciate ang love nya sakin. Lalo ko pang naappreciate sya nung minsan nakaupo kami sa isang gilid sa megamall, merong isang baklang napakainsensitive na pilit sinisiksik ang katawan nya sa sobrang liit na space sa tabi ko. Syempre dahil ako ay sobrang payat nun gawa ng aking sakit na hyperthyroidism, naipit ako. Walang pigil na tinulak nya ang bading. Nagmura ng ingles si bading. Tatay ko naman syempre murang bisaya ang lumabas sa bibig nya. Sinabihan nya sa tagalong ang bading na inglesero at mukhang may pinag-aralan pero di ginagamit ang kokote nya na din a sya kasya dun sa upuan at naiipit nya ako. Nagtawag ng guard si bakla. Itong tatay ko naman tuloy ang pagmura nya pero pinakita nya ang ID nya at wala naman magawa ang guard kundi sinabihan na lang kami na umalis na lang. syempre hatak hatak ko rin ang tatay. Di ko naman kasi akalain na ganun ang gagawin nya. Nung umpisa medyo nagalit ako kasi di naman nya kelangan gawin yun eh. Pinasakay ko na lang sya sa taxi at ako naman naglakad pabalik ng opis na umiiyak. Pagdating sa labas ng building, naisipan kong ang pangit naman na papasok akong sobrang emote kaya nagtext na lang ako sa isang kuya kuya ko na saktong sa tabing building lang din naming nagtatrabaho. Di ako nakontento tinawagan ko pa sya. Panic naman si kuya. Bumaba na may dala dalang 3 pirasong panyo. Kinwento ko ang nangyari at gago rin naman tong kuya ko. Gusto nyang hanapin din ang bading at gugulpihin daw nya. Nirason ni kuya sakin na ganun din naman daw ang gagawin nya kung andun sya. Pinaintindi nya sakin na tama lang daw ang ginawa ng tatay at dapat daw maging proud ako kasi ipaglalaban pala ako ng patayan ng tatay ko. Hayun… tumigil din ako sa kakaiyak.

Marami pa akong kwento tungkol sa kanya pero sobrang haba na nito. Kahit ako ayaw kong basahin to. Ang gusto ko lang naman sabihin ay HAPPY BIRTHDAY TAY. SALAMAT SA LAHAT NG MGA PINANGGAGAWA MO DAHIL SOBRANG NATUTO AKO SA BUHAY. HINDI KO PA RIN MAKALIMUTAN YUNG TURO MONG TUMINGIN PARATI SA KAMAY KAPAG MAY NAKAKAAWAY KASI BAKA MAY BIGLANG GAGAWIN. DI MAN ISINAPUSO NI BRO YAN DAHIL NAHAMPAS NGA SYA NG DOS POR DOS PERO SOBRANG TINANDAAN KO YAN. AH HONGA PALA… SA 2,000 WORDS PER MINUTE KO PA LANG TAKOT NA SILA KAYA DI NA RIN NILANG MAGAWANG SUNTUKIN AKO O BARILIN. ANYWAY, SALAMAT SA IYONG PAG APPLY NG BENEFIT OF THE DOUBT SAMING 2 NG KAPATID KO KAHIT NA SOBRANG TUMPAK PA RIN ANG PAGGANA AT PAGTRUST MO SA IYONG INSTINCT. TINGIN KO NGA YAN ANG GIFT MO EH. PARANG NABABASA MO KAAGAD ANG KATAUHAN NG KADA TAO. KAYA WALANG KAHIT SINO MAN NAGTANGKANG LOKOHIN KA. MALAKAS PANGAMOY MO SA MGA LOKO LOKO AT SINDIKATO. BALIK TAYO DUN SA BENEFIT OF THE DOUBT MO. SALAMAT DAHIL NAPATUNAYAN NA SOBRANG MAHAL NA MAHAL MO KAMI.

TAY, NASABI KO BA SAYO NA PROUD AKO SAYO? MARAMI KA NG NAGAWA NA DI MAPANTAYAN NG MGA EDUKADONG TAO TALAGA. IKAW NA RIN NAGTURO SAMIN NA HWAG MASYADONG NAGPAPAKASLAVE SA TRABAHO KASI ANG PERA AY PERA LANG. PAG SOBRA ANG PERA, PROBLEMA ANG KATAMBAL NYAN… SABI MO YAN DI BA? AT HONGA PALA, SABI NI TON TON PWEDE KA NA RAW MAGING CONGRESSMAN KASI MAS GWAPO KA PA SA CONGRESSMAN NATIN. YANG SI EILS NAMAN EH KULANG NA LANG AT TITILI NA KASI ANG GWAPO MO RAW. PERO BAKIT GANUN? SABI MAGKAMUKHA TAYO. EH BAT IKAW GWAPO AT AKO NAMAN AY HINDI MAGANDA? KAINIS NAMAN… BINIGAY MO KASI LAHAT SA KAY BRO EH. SANA TINIRHAN MO NAMAN AKO KAHIT KONTI LANG.

TAY, DA BEST KA TALAGA. WALA NA AKONG IBANG GUSTONG SABIHIN EXCEPT KAKAIBA KA, SALUDO AKO SAYO AT HAPPY BIRTHDAY ULIT. HONGA PALA, NAGHIRE AKO NG MGA ALIEN PARA KANTAHAN KA SA BIRTHDAY MO. YAN SILA O… LAB YU TAY.

10 Responses to “kwento ng tatay (story of my father)”

  1. nanay belen Says:

    Sobra nga’ng haba, sumakit ang batok ko pagkatapos kong basahin. Pero ok lang kasi habang binabasa ko ang mala-barumbadong buhay ng iyong tatay ay nadadala ako at bumibigat ang dibdib ko na parang nahihirapan akong huminga sa hirap na dinadanas ng iyong ina at kayong mga anak. Para akong nanunuod ng heavy drama at nadadala sa kwento at napapaiyak huhuhuhu.
    Mabuti naman ayos ka na ngayon. Hayan mo. Past is past.

    Naal-ala ko tuloy yong si Father Agatep sa Ilokos na naging Leader ng NPA . nanligaw sa akin yon noon. Pag wala akong maipost , yon ang ikukwento ko.

  2. ifoundme Says:

    narinig ko na yang si father agatep. buti na lang di mo napangasawa yun. eh di sana akyat bundok ang iyong past time. LOL! :)

  3. rio Says:

    ang haabaaaaaaaaaa nga……….
    happy birthday kay tatay..=) hehehe
    hindi ko pa tlga nababasa ng buo…pero according sa comment ni nanay belan mukhang kakailaganin ko ng madaming tissue d2 ah…
    intresting ang storya ni tatay mo, sis..=)

  4. ifoundme Says:

    hehehe… salamat sis… matamlay ako kahapon kaya nag-isip sumulat nyan para lang may magawa. hehehe!

  5. rio Says:

    nabasa ko din sa wakas ang mahabaannnggggg kwento ni tatay..hehehe
    bilib ako sa tatay mo, sis..madiskarte!..mukha ngang nagmana ka sa kanya..hehe=)
    san pla yung coffeeshop na may poging barista?? hehe

  6. ifoundme Says:

    hihihihi! dito sa sm samin. punta ka dito. kape tayo…

  7. nagbasang mangyan Says:

    medyo late ko ‘to, ganoonpaman, maligayang bati po sa inyong kaarawan.

    at binasa ko pa rin. mahaba ba ‘yon… sa hirap at tyaga ng mga tatay para maitaguyod ang kanyang pamilya kulang pa ang araw-araw na blog entry natin, para patuloy silang pasalamat, i-appreciate.

    naingit naman ako, di ko masyadong na-appreciate ang tatay ko bago nya kami iniwan, and i hate myself for that…

    astig nga talaga ang mga tatay, di nga sila umiiyak, ewan lang ha, siguro di lang nila pinapakita sa atin… twice ko lang atang nakitang umiyak ang tatak ko, una noong namatay ‘yong tito ko, at pangalawa eh nung 8 years old ako… papaluin nya ako kasi masyado na akong pasaway, pero sya pa ang naunang umiyak kesa sa akin..

    happy birthday po ulit.

  8. ifoundme Says:

    @ mangyan na nagbasa - bilib ako sayo. binasa mo yan? ako nga ayaw ko ng basahin nyan sa haba. hehehe! tama ka. sa lahat ng mga kakaibang ginawa ng tatay natin, iba pa rin sila. kayang kaya nila idefy ang kanilang mga prinsipyo at mga paniniwala para lang satin. kahit wala na tatay mo i’m sure proud sya sayo.

  9. kamotenista Says:

    hmm…familiar ang story hindi po b tayo magkamag-anak or kapitbahay ate?…wahaha

    im a proud papa’s girl kasi kaya ‘to naiyak ako sa story.takot magpakita ng emotion si father dear kasi ganyan ang mga military pero mababaw ang kaligayahan nila hindi nga lang nila pinapakita.

  10. ifoundme Says:

    @ kamotenista - bongga ka sis! binasa mo tong pag eemote ko? hehehe! pero totoo nga yang sinabi mo. yung ibang tao hindi sila maintindihan pero tayo gets na gets natin sila. ganun talaga eh. kahit di man pinapakita ng tatay natin yung totoong nafefeel nila pero naiintindihan naman natin in a weird way. di ba???

Leave a Reply

XHTML: You can use these tags: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>